MANILA, Philippines - Nagpalabas na ng kautusan ang korte hinggil sa kinukwestyong pamamahala sa Manila Harbour Center.
Nag-isyu ng permanent restraining order ang Pasig City Regional Trial Court laban kay Reghis Romero at sa kanyang mga kumpanyang R-II Builders at R-II Holdings upang matigil ang umano’y pakikialam sa operasyon ng Harbour Centre Terminal Facility.
Ang pasilidad ay pinangangasiwaan ng Onse Source Port Support Services, Inc. na lehitimong kontratista ng Port Ancillary Services at Port Management nito mula 2007.
Ang kautusan ng korte ay base sa reklamo ng One Source makaraang pwersahan at iligal umano silang paalisin ni Romero sa HCPTI noong Setyembre.
Nakasaad din sa kautusan na hindi maaaring magpakilala si Romero at mga kasama nito bilang may-ari ng HCPTI gayundin ang paniningil, pagtanggap ng bayad at gumastos ng pondo ng kumpanya.
Ipinagbabawal na ring pumasok si Romero sa pasilidad nang walang pahintulot ng may-ari.
Sa rekord ng korte, ibinenta na ni Romero ang mayorya ng kanyang shares sa HCPTI na katumbas ng 68.11 percent kaya’t hindi na ito maaaring magpakilalang may-ari.
Inihayag pa ng korte na malinaw na kinilala na rin ang karapatan ng One Source upang patakbuhin ang pasilidad pitong taon na ang nakalilipas.