MANILA, Philippines — Hinahabol ngayon ng Bureau of Internal Revenue ang may-ari ng bakery na gumagawa ng mga cake na ipinapamahagi ng lungsod ng Makati sa kanilang mga residente dahil sa maling pagdedeklara ng kita.
Inihain ng BIR ang tax evasion na reklamo sa Department of Justice laban kay Cups and Mugs Kitchenette owner Kimtun Chong.
Nakasaad sa reklamo ng kawanihan na aabot sa P46 milyong halaga ng buwis ang hindi binayaran ni Chong mula 2009 hanggang 2011.
Sinabi ni BIR commissioner Kim Henares sa kanyang panayam sa radyo na P43.23 milyon lamang ang idineklara ni Chong gayung P107.64 ang kinita niya.
Nitong Agosto ay nasilip sa Senado ang pinapamahaging cake ng Makati dahil umano'y overpriced ito, ayon sa abogadong si Renato Bondal.
Pinresyuhan umano ng lokal na pamahalaan ang cake na P1,000 isa, gayung P306 each lamang dapat ito.