MANILA, Philippines - Nakipagtambalan ang Globe Telecom, sa pamamagitan ng International Business Group nito, sa nangungunang communications application LINE, na magkakaloob ng magandang pagkakataon sa mga Pinoy sa buong mundo na kumonekta sa kanilang mga minamahal sa Pilipinas sa holiday season.
Sa loob ng siyam na araw, mula Disyembre 24, 2014 hanggang Enero 1, 2015, ang LINE users sa buong mundo, kabilang ang 12 milyong Pinoy sa iba’t ibang komunidad sa ibang bansa ay maaaring tumawag nang libre sa Globe mobile at TM subscribers sa Pilipinas.
Ito ay magandang regalo mula sa Globe at LINE upang higit na maging memorable ang Kapaskuhan sa lahat ng Pinoy sa buong mundo, pahayag ni Globe Executive Vice President and Chief Operations Officer Gil Genio.
Sabi naman ni Line Philippines head Greg Kim, ang mga LINE user sa buong mundo, sa pamamagitan ng kanilang smartphones, ay maaari na ngayong makabati nang libre sa Globe at TM customers mula bisperas ng Pasko hanggang sa Bagong Taon gamit ang Line Premium Call function.