MANILA, Philippines - Isinusulong ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na ipagbawal na ang pagpataw ng mga bangko ng service charge o anumang uri ng penalty sa depositors na bumababa sa maintaining balance ang deposito.
Sa House bill 3162, sakop nito ang lahat ng pribado at pampublikong bangko at itinatakda nito ang parusang anim na buwan hanggang anim na taon at multang isang milyong piso para sa Presidente, Bise Presidente o General Manager ng bangko na lalabag dito.
Bukod dito, kakanselahin din ang license to operate ng bangko at hindi na kailanman bibigyan ng ganitong lisensya.
Paliwanag ni Erice, ang pagpapataw ng penalty sa accounts na below maintaining balance ay nagdi-discourage sa publiko na magdeposito sa bangko dahil lalo pang mababawasan ang kakaunti nilang ipon sa halip na tumubo ng interes.