MANILA, Philippines – Nagpalabas na kahapon ng warrant of arrest ang Olongapo City Regional Trial Court (RTC) laban kay US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton kaugnay ng kasong murder sa pagpaslang kay Jeffrey “Jennifer “ Laude.
Ang warrant of arrest ay inisyu ni Olongapo City Regional Trial Court (RTC) Branch 74 Judge Roline Ginez Jabalde ang huwes na hahawak sa paglilitis laban kay Pemberton sa kaso nitong murder na walang inirekomendang piyansa.
Ayon sa korte, anumang oras ay maari ng arestuhin si Pemberton kung saan ay bibigyan rin ng 10 araw ang mga awtoridad upang ipaliwanag kung paano inaresto ang akusadong US Marine.
Bilang reaksyon, sinabi naman ni Atty. Harry Roque, counsel ni Laude, na ikinatuwa nila ang pagpapalabas ng korte ng warrant of arrest laban kay Pemberton.
Sinabi naman ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla na nakahanda ang militar na ilabas sa Camp Aguinaldo si Pemberton kung hihilingin ng korte o iba pang higher authorities.
Nilinaw ni Padilla na ang papel lamang ng AFP at ng Defense Department sa kaso ni Pemberton ay garantiyahan ang pananatili ng akusado sa kanilang pasilidad at tiyakin na makakaharap ito sa paglilitis oras na ipag-utos ng korte.
Si Pemberton ay nakaditine sa Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB) ang pasilidad ng US sa loob ng Camp Aguinaldo kaugnay ng pagpaslang umano kay Laude noong nakalipas na Oktubre 11 ng gabi ng taong ito sa isang motel sa Olongapo City.