PNoy sa bagong officer ‘Wag pasilaw sa pera’
MANILA, Philippines - Hinikayat ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga bagong junior officers ng Armed Forces of the Philippines na huwag masilaw sa kinang ng pera sa panunungkulan ng mga ito sa iba’t-ibang major services ng AFP.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa kanyang mensahe kahapon na ibang klaseng tapang at dangal ang hihilingin sa mga ito sa pagharap sa tuksong maaaring makaengkwentro habang nagsisilbi sa bayan.
Sinabi niya na may mga nag-aalok ng sobreng hitik sa salapi, kapalit ng pirma sa mga kontrata at mayroon ding mga magtatangkang padaliin ang buhay o agad maging mayaman kapalit ang kanilang prinsipyo.
Sasabak din umano sa peligro ang mga bagong opisyal, gaya ng bala at maging mga kalamidad.
“Nakikita natin iyan tuwing may darating na kalamidad: Frontliner kayo sa pagliligtas ng mga kababayan nating tinamaan ng sakuna; sa paglilinis ng mga kalsada, daungan, at paliparan upang mapabilis lalo ang pagdating ng agarang lingap; at sa pagtiyak ng kaayusan sa mga apektadong komunidad. Bago dumating si Yolanda o si Ruby, o anumang bagyo, naroon na kayo, nakaantabay upang tumupad sa anumang atas o pangangailangan,” wika pa ni Pangulong Aquino.
- Latest