MANILA, Philippines - Bilang diwa ng Kapaskuhan, ipatutupad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police ang isang buwang unilateral ceasefire o tigil putukan sa hanay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bansa.
Ito ang inihayag kahapon nina AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. at P/Deputy Director General Leonardo Espina, Officer in Charge ng PNP sa isang pulong-balitaan sa Camp Aguinaldo.
Inaprubahan din kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III ang Christmas ceasefire sa NPA batay sa rekomendasyon ng AFP.
Sinabi ni PCOO Secretary Herminio Coloma Jr. inaprubahan ni Pangulong Aquino ang tigil-putukan mula Disyembre 18 hanggang Enero 19.
Ayon kay Sec. Coloma, bilang commander in chief ng AFP ay aprubado sa Pangulo ang pagkakaroon ng ceasefire ngayong Kapaskuhan sa NPA sa diwa ng Pasko. Layunin anya nito na makababa ng bundok ang mga rebeldeng komunista upang makasama ang kanilang pamilya ngayong Kapaskuhan.