MANILA, Philippines – Mismong si Pangulong Aquino na ang nagsabi na kailangang tanggapin ni Philippine National Police Chief Director General Alan Purisima ang preventive suspension na ipinataw ng Ombudsman laban sa kanya at sa 11 iba pang opisyal ng PNP.
Ayon sa Pangulo, bagaman at dapat sundin ni Purisima ang batas, dapat din namang ibigay dito ang lahat ng kanyang legal na karapatan na maipagtanggol ang sarili laban sa mga ibinabatong akusasyon.
Sinabi pa ng Pangulo na dapat sundin ang utos ng Ombudsman at sumailalim si Purisima sa preventive suspension.
“Bottom line is, there is an order from the Ombudsman, he will have to undergo the processes and one of them is this preventive suspension, and the other aspect is, like any other citizen, he has the right to defend himself,” anang Pangulo.
Dahil sa suspensiyon ni Purisima, si Deputy Director General Leonardo Espina, ang itatalang Officer-in-Charge, at pansamantalang mamumuno sa 150,000 miyembro ng PNP.
“Having a concept of OIC or not, he is the head at this point in time. If somebody does not follow him, that person gets removed,” ani Aquino.
Inihayag din ng Pangulo na naghahanap na siya ng permanenteng papalit kay Espina na malapit na ring magretiro.
“General Espina will not be in the service that much longer. And General Purisima will reach 56 by 2015. So with or without the issue, we are also searching. We will look at the track record of all contenders,” anang Pangulo.
Naniniwala ang Pangulo na hindi makakaapekto sa PNP bilang institusyon ang suspensiyon ni Purisima.
Nauna rito hinikayat ni Senate President Franklin Drilon ang Pangulo na desisyunan na ang kapalaran ni Purisima lalo pa’t may dalawang malalaking events ang magaganap sa 2015, ang pagdalaw ng Santo Papa at ang APEC summit na nakatakdang gawin sa Iloilo.