MANILA, Philippines - Sinimulan nang inspeksiyunin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), Department of Public Works and Highways (DPWH), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police (PNP) ang Quirino grandstand at iba pang lugar na pupuntahan ni Pope Francis sa Enero 2015 bilang bahagi ng paghahanda sa pagdating ng Santo Papa.
Pangunahing pagtutuunan ng pansin ng grupo ang seguridad lalo pa’t napag-alamang hindi sumusunod sa protocol si Pope Francis kung saan bigla na lang itong bumababa para makihalubilo sa mga tao sa kalagitnaan ng kanyang motorcade.
Nais naman ng CBCP na gawing simple lang ang okasyon dahil katatapos lang ng mga kalamidad sa bansa.
Samantala, inihahanda na rin ng DPWH ang mga concrete barrier na ilalatag sa Luneta alinsunod sa kahilingan ng Vatican na kailangang may dadaanan pa rin ang Santo Papa para makalapit sa mga tao.