MANILA, Philippines - Pinayuhan kahapon ni Sen. Sergio Osmeña si Sen. Grace Poe na mag-aral kaugnay sa mga kinakaharap na problema ng bansa at ng presidente kung nais nitong pamunuan ang Pilipinas.
Sinabi ni Osmeña na dapat din aniyang magtrabaho ng doble o triple si Poe kung nais nitong itaas ang kaniyang kakayahan sa level ng isang pangulo.
Pero pinayuhan rin ni Osmeña si Poe na kung desidido na itong tumakbo sa 2016 presidential elections dapat ay ilihim na lamang muna niya sa kanyang sarili ang kanyang desisyon hangga’t hindi pa dumarating ang tamang oras.
Naniniwala si Osmeña na may mga tinatawag na “x factor” si Poe dahil na rin sa reputasyon ng pamilya nito partikular ng kanyang namayapang ama na si Fernando Poe Jr. na tumutulong sa mga mahihirap.
Hindi aniya maihihiwalay kina Poe ang nasabing reputasyon na naging “x factor” rin ni dating Pangulong Joseph Estrada ng iprisinta niya ang kanyang sarili bilang champion ng masa.
Naniniwala rin si Osmeña na tanging si Poe lamang ang makakapag-desisyon kung tatakbo itong presidente ng bansa.
Tinawag pa ni Osmena na “most difficult position of the land” ang puwesto ng presidente.
Nauna ng itinanggi ni Poe na tatakbo siyang presidente bagaman at marami ang mga humihikayat sa kanya na kumandidato sa 2016.