MANILA, Philippines - Isinilbi na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang 6-month ‘suspension order’ na ipinataw ng Office of the Ombudsman laban kay PNP Chief Director General Alan Purisima sa kabila ng pagtanggi ng staff nito na tanggapin ang order.
Pinalagan ng kampo ni Purisima ang nasabing suspensiyon sa pagsasabing wala sa hurisdiksyon ng DILG ang pagsisilbi ng kautusan dahil nasa ilalim ng kapangyarihan ng National Police Commission (Napolcom) ang PNP.
Nilinaw naman ni Atty. Kristoffer James Purisima, kaanak at legal counsel ng chief PNP na hindi sila nagmamatigas na sundin ang suspension order kung ang Napolcom ang magsisilbi nito.
Sinabi rin ni Atty, Purisima na hindi bahagi ng ‘delaying tactics ‘ ang kanilang hakbang.
Una rito, hiniling ni Purisima sa Court of Appeals (CA) na pigilin ang pagpapatupad ng suspension order laban sa kanya ng Ombudsman.
Sa kanyang 21-pahinang petition for certiorari, hiniling ni Purisima na magpalabas ang appellate court ng temporary restraining order laban sa December 6, 2014 order ng Ombudsman.
Iginiit ni Purisima na ang kautusan ng Ombudsman ay maituturing na grave abuse of discretion.
Wala rin umanong sapat na batayan ang pagsuspindi sa kanya dahil wala namang substantial evidence laban sa kanya.
Gayunman, nabigo si Purisima na makakuha ng TRO sa korte.
Ang 6 months suspension order kay Purisima at 17 iba pang opisyal ng PNP ay nag-ugat sa umano’y iregularidad sa pagkuha ng Werfast Documentary Agency bilang official courier ng PNP para sa firearms licenses.
Pansamantalang pumalit kay Purisima si Deputy Director Leonardo Espina bilang officer-in-charge dahil nagretiro na ang no. 2 man ng PNP na si Deputy Director-General Felipe Fojas Jr.