Pondo itutulong sa biktima ni Ruby
MANILA, Philippines - Kinansela ng pamahalaang-lunsod ng Makati ang New Year’s Eve Countdown Party nito sa Ayala at sa halip, ang P30 milyong budget para sa ganitong aktibidad ay gagamitin na lang sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyong Ruby.
Ito ang nabatid kay Makati Mayor Jejomar Erwin S. Binay na humiling din sa City Council na pagtibayin ang ordinansang nagpapahintulot sa pamahalaang lunsod na magkaloob ng tulong sa mga biktima ng kalamidad.
Mula noong 2004 ay idinadaos ng pamahalaang lunsod ang naturang countdown na naging malaking pang-akit ng Makati sa mga turista kasama ng magagandang fireworks at libreng konsiyerto ng magagaling na banda sa Ayala Avenue.
“Sana ay maunawaan ng mga residente at bisita sa Makati lalo na ng mga nag-aabang sa countdown at suportahan ang aming desisyon na huwag muna itong idaos sa taong ito. Marami nating kababayang Pilipino ang nagdurusa at kailangan nila ng tulong na maibibigay natin,” sabi pa ni Binay.
Ayon sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), maraming bahagi ng Western at Eastern Visayas, Bicol, and Southern Luzon ang pininsala ng bagyong Ruby.
Kabilang sa lubhang sinalanta ang mga bayan ng Dolores at Borongan sa Eastern Samar. Tinatayang 456,386 families o 2,086,562 tao ang naapektuhan ng bagyo.
Noong nakaraang taon, kinansela rin ang Countdown bilang pakikisimpatya sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Inaprubahan ng Makati City Council ang P50 milyong alokasyon bilang relief assistance sa iba’t-ibang pamahalaang lokal na winasak ng bagyong Yolanda.