MANILA, Philippines – Kinasuhan ng tanggapan ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang isang mataas na opisyal ng Department of Education (DepEd) ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at 15 counts ng paglabag sa Section 52 ng Republic Act No. 8291 (GSIS Act of 1997) dahil sa pagkabigo nitong iremit sa takdang panahon ang GSIS premiums ng mga guro at empleyado ng DepEd-Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).
Ito ay makaraang pagtibayin ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang naturang mga kaso matapos makakita ng probable cause laban kay Leovigilda Cinches, dating Officer-in-Charge Regional Secretary ng DepEd-ARMM.
Sa rekord, mula October 2001 hanggang November 2004, ang DepEd-ARMM ay bigong mairemit sa tamang oras ang GSIS premiums/contributions na may halagang P232.9 milyon na nagresulta ng pagkasuspinde sa loan privileges ng mga tauhan nito at di nakatanggap ng iba pang benepisyo.
Bukod sa naturang kaso, guilty din umano si Cinches sa kasong Grave Misconduct kaya’t tuluyan na itong nadismis sa serbisyo bilang parusa sa nagawang kasalanan at hindi na maaari pang pumasok sa alinmang ahensiya ng pamahalaan.