MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na maibabalik ang supply ng kuryente sa Eastern Samar bago magpasko.
Sinabi ni Energy Secretary Jericho Petilla na ang Eastern Samar ang isa sa mga nagtamo ng malaking pinsala dahil sa bagyong “Ruby.”
Bumabangon pa lamang mula sa hagupit ng bagyong Yolanda ang Eastern Samar ngunit muli silang sinubok ni Ruby.
"Ito ang medyo talagang pinipilit namin, Eastern Samar," pahayag ni Petilla sa kanyang panayam sa dzMM.
Nasa 1,000 poste ng kuryente ang nasira sa pananalasa ng pang-18 bagyo ngayong taon.
Samantala, ang ilang lugar naman ay bago magbagong taon magkakaroon ng kuryente, ayon pa sa kalihim.
"So far, ang lumalabas dito based on the data that I have at sa accounting ng mga poste, materyales at lahat-lahat, it looks like karamihan ng backbone natin, 'yung town proper mismo, mabibigyan natin ng kuryente with the exception 'yung mga nasa norte na talaga, 'yung Mapanas (Northern Samar) at Arteche (E. Samar) area."
Naibalik na ang supply ng kuryente sa ilang bahagi ng Leyte, habang ang Tacloban City naman ay anumang araw ngayong linggo.
Ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, higit dalawang milyong katao ang naapektuhan ni Ruby, habang umabot sa 11 ang kumpirmadong nasawi.