MANILA, Philippines - Pinag-iingat ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga overseas Filipino workers sa pag-i-invest ng kanilang pinaghirapang salapi dahil sa maraming scam na namamayagpag sa ngayon, na ang target ay mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibayong dagat.
Ayon kay POEA deputy administrator Jesus Gabriel Domingo, marami ang nag-iisip na ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa abroad ay kumikita ng dolyar kaya’t madalas na sila ang target ng mga scammers at sindikato.
Ilan aniya sa mga scam ay pyramiding schemes, scam na nagpapanggap bilang lehitimong multi-level marketing schemes; real estate scams at stocks o forex investment scams.
Madalas ay gumagamit pa ang mga scammers ng kaanak ng mga OFWs bilang pain upang mahikayat ang kanilang target na mag-invest sa kanilang scam.
Kung dati-rati ay malakihan ang perang sangkot sa scam, ngayon kahit maliit na halaga na umaabot ng mula P400 hanggang P1,000 ay pinapatos ng mga sindikato.
Mas madali kasi aniyang kolektahin ito at sa sandaling magkabukingan ay hindi na magpupursige pang magsampa ng kaso ang biktima dahil maliit lang naman ang salaping nawala sa kanila.
Nagbabala si Domingo na bukod sa investment scams, prone o nanganganib din ang mga OFWs sa illegal recruitment at human trafficking, na kalimitang nangongolekta ng mula P100,000 hanggang P1 milyon mula sa mga biktima.
Payo ni Domingo sa mga OFWs, bago mag-invest o magbayad ng placement fees ay tiyakin munang lehitimo ang mga kumpanyang lumalapit sa kanila upang hindi mabiktima ng scammers at illegal recruiters.
Maging ang mga dayuhang employer ay binalaan rin ni Domingo laban sa pag-bypass sa kanilang sistema at direktang pagkuha ng mga manggagawa.