Reklamo ng Pinas vs China ibinasura

MANILA, Philippines - Muling ibinasura ng China ang hamon ng Pilipinas na humarap sa international tribunal hinggil sa inihaing reklamo sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.

Ayon sa isang opis­yal ng China’s Foreign Ministry-Department of Treaty and Law, walang plano ang pamahalaang China na magpartisipa sa pagsusulong ng Pilipinas sa reklamo nito laban sa China sa arbitral tribunal sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea kaugnay sa sovereignty issues.

Sa report, sinabi ni Xu Hong, director general ng nasabing departamento, ang Pilipinas umano ay lubhang nagmamatigas sa pagsusulong ng nasabing kaso sa international tribunal bagaman iginigiit ng China na ayu­sin o pag-usapan na lamang ang sigalot sa WPS sa pamamagitan ng direktang negosasyon ng bawat bansa.

Sinabi pa na hinding-hindi makikiisa at makikipartisipa ang China sa Pilipinas sa anumang arbitration proceedings.

“It won’t change the history or the facts of China’s sovereignty over the South China Sea islands as well as the adjacent waters,” ani Xu. 

Binigyang-diin pa na ang pagbasura ng China sa reklamo ng Pilipinas sa UN tribunal ay naaayon umano sa international law kung saan napagkasunduan umano ng Pilipinas at China na ayusin ang territorial disputes sa pamamagitan ng negosasyon.

Pinag-aaralan na ng Department of Foreign Affairs ang pahayag ng China. Gayunman, iginiit na ang arbitral tribunal ang mas tamang lugar para matuldukan na ang isyu ng pinag-aagawang teritoryo sa WPS.

Ang pahayag ng Beijing ay nauna sa itinakdang palugit na ibinigay ng UN Tribunal sa China upang magbigay ng sagot o argumento kaugnay sa isyu ng hanggang Disyembre 15.

 

Show comments