MANILA, Philippines - Tatlo katao, kabilang ang isang taong gulang na batang babae ang iniulat na nasawi sa Iloilo habang ang bagyong Ruby ay palalapit sa Western Visayas.
Sa inisyal na ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng lalawigan, nakilala ang nasawi na sina Ernesto Baylon, 65, na natagpuan sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. Bayas sa bayan ng Estancia sa Iloilo; Thea Rojo, isang taong gulang ng Brgy. Balanti-an, Balasan; at isang ginang na nasawi sa Brgy. Agbobolo sa bayan ng Ajuy Iloilo.
Pinaniniwalaang sina Baylon at Rojo ay nasawi dahil sa hypothermia o matinding lamig sanhi ng patuloy ng pag-ulan sa Iloilo at iba pang parte sa Western Visayas.
Nasawi naman ang isang ginang habang ini-evacuate sa nasabing lugar.
Bagsak din ang komunikasyon, walang kuryente at walang tubig sa lalawigan na prayoridad na maibalik ng awtoridad.
Samantala, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) wala pang kumpirmasyon kaugnay sa nasabing mga nasawi dahil on going pa ang damage assessment sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.
Patuloy din anya ang clearing operations sa mga lugar na idineklarang non-passable o hindi madaanan partikular sa major roads.