MANILA, Philippines - Inaasahang magkakaroon ng sunud-sunod na landfall ang bagyong Ruby.
Sa panayam ng DZMM kay Department of Science and Technology (DOST) Sec. Mario Montejo, una itong tatama sa kalupaan ng Borongan, Samar ng alas-2:00 hanggang alas-4:00 Linggo ng madaling araw.
Maaapektuhan nito ang Northern Samar, Eastern Samar at Samar.
Sunod na landfall ay alas-2:00 hanggang alas-4:00 Linggo ng hapon sa Masbate habang alas-8:00 hanggang alas-10:00 ng gabi maaasahan ang landfall sa Sibuyan Island.
Sa Lunes, inaasahang dadaan din ang bagyo sa Romblon ng alas-2:00 hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Sa pagitan naman ng alas-11:00 ng umaga at ala-1:00 ng hapon posibleng mag-landfall sa Mindoro.
Maaapektuhan nito ang Occidental at Oriental Mindoro habang papalabas ng Philippine Area of Responsibility.
Bahagyang humina ang bagyong Ruby sa 185 kilometro kada oras (kph) na may pagbugsong aabot ng 220 kph.
Bumilis naman ito sa 13 kph mula sa naunang 10 kph sa monitoring ng PAGASA alas-6:00 ng umaga.
Una rito ay muling nagbago ng direksyon na noong una ay sinabi ng PAGASA na magla-landfall dakong alas-2 ng madaling araw ng Linggo (Disyembre 7) sa Borongan, Eastern Samar pero sa huling bulletin ay nagbabanta ng tumama sa Dolores, Eastern Samar sa pagitan ng alas-8 hanggang alas-10 Sabado ng gabi. (May ulat nina Joy Cantos at Angie dela Cruz)