LEGAZPI CITY, Philippines — Napili ng Junior Chamber International (JCI) Philippines si Albay Gov. Joey Salceda bilang isa sa tatlong tatanggap ng 2014 The Outstanding Filipino (TOFIL) Awards nito. Ang parangal sa gubernador ay sa larangan ng “exemplary public service.”
Nasa ika-26 na taon na ngayon, ang TOFIL Awards ay taunang proyekto ng JCI Senate sa pakikipag-ugnayan sa Insular Life. Iginagawad ito sa mga taong ang malikhaing mga gawain ay malaki ang naitutulong sa pambalanang kabutihan at pagsulong ng kanilang propesyon. Kasama sa ilang ginawaran na ng parangal na ito ang mga pangalang Jaime Cardinal Sin, Lorenzo Tanada, Jovito Salonga atbp.
Ayon sa JCI, ang mga TOFIL awardees ay pinipili din batay sa mahusay at matuwid nilang pagkatao, at ang bunga ng kanilang mga nagawa sa pagsulong ng bansa at kabutihan ng lalong nakararami.
Kasama sa pinagbatayan sa pagkakapili kay Salceda bilang 2014 TOFIL awardee ang kanyang tagumpay na mapagkaisa ang mga Albayano tungo sa mahusay nilang pagtupad sa UN Millennium Development Goals (MDGs), climate change adaptation (CCA), environmental promotion, disaster risk reduction (DRR)” at makabuluhang mga programang pangkalusugan, pang-edukasyon, pang-agrikultura at pang-turismo.
Igagawad ang parangal kina Salceda, Gemma Cruz Araneta at Francis Kong sa ika-29 ng Enero 2015, sa Tanghalang Haribon, Insular Life Corporate City sa Alabang, Muntinlupa City.