MANILA, Philippines - Pansamantalang tatayong Officer-in-Charge (OIC) ng Philippine National Police (PNP) upang pamunuan ang 150,000 puwersa ng kapulisan si PNP Deputy Director for Operations, P/Deputy Director General Leonardo Espina.
Ito ang inihayag kagabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, Chief ng PNP-Public Information Office matapos patawan ng 6 buwang ‘preventive suspension’ ng Ombudsman si PNP Chief P/Director General Alan Purisima.
Ayon kay Mayor, si Espina na kasalukuyang 3rd man ng PNP ang napili ni Pangulong Aquino na humalili pansamantala kay Purisima na epektibo sa Disyembre 9.
Dapat ay ang number 2 man ng PNP na si Deputy Director General Felipe Rojas ang pumalit kay Purisima pero nagretiro na ito kahapon.
Magugunita na kamakalawa ay sinuspinde ng anim na buwan ng Ombudsman si Purisima at 11 pang mga opisyal kaugnay ng maanomalyang P100 M kontrata sa Werfast Documents Agency, isang courier service na nagde-deliver ng mga lisensya ng armas.
Una rito, sinabi ni Supt Roberto Po, spokesman ni Purisima, na hindi maaring gamitin ng sinumang itatalagang OIC ng PNP ang opisina ni Purisima sa Camp Crame habang gumugulong ang anim na buwan nitong ‘preventive suspension’.
Nilinaw ni Po na ‘preventive suspension’ lamang ang ipinataw sa Chief PNP at hindi naman ito tinanggal sa serbisyo.
Sa kasalukuyan ay hindi pa naipapaabot kay Purisima ang kopya ng suspension order ng Ombudsman dahil nasa Saudi Arabia pa ito at dumadalo sa kumperensya. Nakatakda itong bumalik sa bansa sa darating na Disyembre 9. (Joy Cantos)