MANILA, Philippines - Umakyat na sa tatlong mangingisdang Pinoy ang nasawi kasunod ng paglubog ng South Korean ship sa Bering Sea, Russia noong Disyembre 1.
Ayon kay Foreign Affairs spokesman Charles Jose, nakarekober muli ng mga katawan ang search and rescue team kaya umakyat sa tatlo ang Pinoy na nasasawi sa paglubog ng Oriong-501 trawler habang pinaghahanap pa ang pitong Pinoy.
Unang kinilala ng DFA ang isa sa nasawi na si Jessie Londres, 25. Ang ikalawang narekober na katawan ay kinilala naman ng Falcon Shipping, ang ahensya ng dalawa sa 13 Pinoy crew na lulan ng Oriong-501 na si Arnel Navales, ng General Santos City.
Tumanggi si Jose na ihayag ang pangalan ng panghuling narekober na Pinoy habang ipinaalam pa umano sa kanilang kaanak ang sinapit nito.
Nauna rito, tatlong Pinoy ang nasagip sa insidente at nasa maayos nang kalagayan.
May 13 Pinoy ang kabilang sa 60 crew na lulan ng nasabing 36-anyos na barkong pangisda nang maganap ang insidente. (Ellen Fernando)