MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ng oposisyong United Nationalist Alliance kay Department of Justice Secretary Leila de Lima na ipaimbestiga ang nawawalang file sa National Bureau of Investigation patungkol sa kaso ni Racqu el Ambrosio na sinasabing nagpakamatay sa loob ng isang condominium unit sa Peak Towers sa Makati City noong 2002.
Naunang napaulat na si Ambrosio ay live-in partner ni dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado at anak ng yumaong komedyanteng si Babalu.
“Nakakadismayang malaman sa mga media report na nawawala ang case folder para sa isang sensitibong kaso. Matatandaan ninyo na si Mercado ay nasa ilalim ng Witness Protection Program at pangunahing taga-atake ng Senado sa kanilang pagsisiyasat kay Vice President Jejomar Binay. Kung walang lalabas na katanggap-tanggap na kasagutan, hindi maiiwasang maisip na ang pagkawala ng kanyang case folder ay isang kasunduan sa Senado at DOJ,” sabi ni UNA interim secretary general Atty. JV Bautista.
NBI na ang pinag-uusapan dito at hindi basta nawawala ang mga case folder, ayon kay Bautista.
“Kung nangyari ito sa kaso ni Mercado, nakakabahala ang mga folder ng iba pang sensitibong kaso na hinahawakan ng ahensiya kabilang ang Napoles case at ang imbestigasyon sa iregularidad sa PDAF (Priority Development Assistance Fund) na kinasasangkutan ng mga senador na umuusig sa Bise Presidente,” dagdag niya.
Hiniling muli ni Bautistan kay de Lima na ilantad ang nilalaman ng panayam sa negosyanteng si Janet Lim-Napoles sa ospital ng Makati noong Abril. Kabilang din sa idinawit ni Napoles sa PDAF scam sina Budget Secretary Butch Abad at ilang senador tulad ni Sen. Alan Peter Cayetano.
Nauna rito, nagpahayag ng kahandaan ang NBI na muling buksan at imbestigahan ang pagkamatay ni Ambrosio pero sinabi ni NBI Director Virgilio Mendez na nawawala ang case folder nito.
Lumitaw ang kaso ni Ambrosio nang ipahayag ni Mercado sa isang pagdinig sa Senado na ang Bise Presidente ang tunay na may-ari ng isang unit ng Peak Tower condominium. Gayunman, si Ambrosio ang nanirahan sa naturang yunit at dito siya natagpuang patay.