Pinoy huli sa droga sa China

MANILA, Philippines – Isa na namang Pinoy ang nahaharap sa parusang bitay matapos mahulihan ng limang kilong illegal drugs sa paliparan sa China.

Sa report na tinanggap ng DFA, inaresto ang Pinoy na itinago ang pangalan, sa airport ng Ningbo, China matapos makita sa kanyang bagahe ang limang kilong crystal methamphetamine o kilala sa tawag na “ice” sa China. Siya ay dinakip habang nag-aantabay ng kanyang flight sa Ningbo airport patungong Kuala Lumpur, Malaysia.

Dahil dito, muling nagbabala at nagpaalala ang DFA sa mga Pinoy travelers na mag-ingat at huwag basta-basta maniwala sa mga alok ng mga sindikato ng droga.

Ayon sa DFA, ang pinakahuling modus operandi ng international drug syndicates ay mag-recruit ng mga biyahero o turista na gagamitin nila upang magdala ng ilegal na droga palabas ng China.

Ang mga Pinoy recruits umano ay bibiyahe patu­ngong Guangzhou mula Manila kung saan ipinapadala sa kanila ng miyembro ng sindikato na West African ang illegal drugs.

Sasabihan umano silang pumunta sa Ningbo o Shenzhen at kukuha ng flight patungong Kuala Lumpur.

Iginiit ng DFA sa mga Pinoy na mataas na parusa ang nag-aantay sa mga mahuhuli at mako-convict dahil sa pagpupuslit ng ilegal na droga.

Show comments