MANILA, Philippines – Dalawang OFW na dumating sa bansa mula Sierra Leone na may Ebola outbreak ang pinaghahanap ng Bureau of Quarantine matapos na malusutan umano ang mga airport authorities sa takot na magpasailalim sa 21-araw na quarantine.
Ito ay ayon na rin sa pahayag ng isa sa limang OFWs na hinarang pagkalapag sa Ninoy Aquino International Airport at ipinasailalim sa mandatory quarantine noong Lunes.
Una nang nagpakita ng kasulatan ang mga umuwing OFWs na nagtatrabaho sa mining company sa Sierra Leone na nagpapatunay na ligtas sila sa Ebola subalit hindi tinanggap ng Bureau of Quarantine. Nilinaw sa kanila na ang Sierra Leone ay isa sa mga bansa sa West Africa na apektado ng Ebola virus at kailangang sumailalim sa quarantine o isolation ang lahat ng Pinoy na nagmula doon upang matiyak ang kanilang kalusugan.
Mula sa pitong OFWs na dumating, lima lang ang napigil ng airport authorities at naka-isolate ngayon sa isang pasilidad. Nagreklamo rin ang mga OFWs sa hindi magandang pinagdalhan sa kanila kumpara sa Caballo island na pinagdalhan sa mga Pinoy peacekeepers.