Crackdown sa Indonesia 200 Pinoy fishermen inaresto

MANILA, Philippines – Kinumpirma kahapon ng Department of Fo­reign Affairs (DFA) na 200 mangingisdang Pinoy ang inaresto dahil sa ilegal na pangingisda sa Indonesia.

Ayon kay DFA Spokesman Charles Jose, ang 200 Filipino fishermen ay kabilang sa may 463 dayuhang mangingisda lulan ng 150 bangka na dinakip sa isinagawang crackdown ng Indonesian authorities dahil sa paglipana ng mga dayuhang umano’y ilegal na nangingisda  sa  baybayin o karagatan ng Indonesia.

Sinabi ni Asec. Jose, inatasan na ng DFA ang Konsulado ng Pilipinas sa Indonesia na bisitahin at tingnan ang kalagayan ng mga Pinoy na nakapiit sa Birau, West Kalimantan para sa consular assistance at makipag-negosasyon sa Indonesian authorities sa kanilang kalayaan.

Nabatid na tubong mga Bongao, Tawi-Tawi ang karamihan sa mga mangingisdang Pinoy na dinakip at naninirahan umano ngayon sa Birau.

Nagsimula ang paghuli ng Indonesian immigration sa mga illegal fishermen nitong nagdaang mga linggo dahil sa pagtaas ng bilang ng mga foreign fishermen sa karagatang sakop ng Indonesia na nagmula umano sa mga kapitbahay na bansa kabilang ang Pilipinas.

Bukod sa daan-daang Pinoy, noong nakalipas na linggo ay nabalitang may 200 mangingisdang Malaysian ang hinuli at ikinulong dahil din sa illegal fishing sa Indonesia.

Show comments