Garin hindi pipiliting mag-leave – Palasyo

MANILA, Philippines – Hindi pipilitin ng Malacañang na mag-leave si Acting Health Sec. Janette Garin matapos itong isangkot sa PDAF scam, ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr.

Sinabi ni Sec. Coloma, ang paghahain ng resignation o bakasyon ni Usec. Garin ay nasa kanyang pagpapasya pero sa panig ng Palasyo ay hindi ito oobligahin.

Ayon kay Coloma, ang isyu laban kay Garin ay may kaugnayan pa noong kongresista ito at hindi sa pagi­ging acting secretary ng Department of Health (DOH).

Magugunita na kabilang si Garin sa iniimbestigahan ng Department of Justice kaugnay sa P5 bilyong National Agribusiness Corporation (Nabcor) fund anomaly.

Sinisiyasat ng NBI ang umano’y pagtanggap ng P1 milyon ni Garin mula sa Ginintuang Masaganang Ani (GMA) program para sa kanyang campaign kitty noong 2007 habang kongresista pa ito ng Iloilo.

Hinamon ni Atty. Levi Baligod si Garin na tularan ang ginawa ni on leave Health Sec. Enrique Ona na nagsumite ng kanyang leave dahil iniimbestigahan ito ng DOJ kaugnay sa PCV 10.

Show comments