MANILA, Philippines – Matapos na mabunyag ang umano’y talamak na problema ng droga sa loob ng National Bilibid (NBP) kaya isinusulong ni Iloilo Rep. Niel Tupas ang lifestyle check sa mga opisyal ng Bureau of Corrections (Bucor).
Ayon kay Tupas, posibleng irekomenda nila na magkaroon ng lifestyle check ang mga opisyal ng Bucor upang malaman ng mga ito na nakatutok sa kanila upang hindi na rin makipagsabwatan sa masasamang mangyayari sa loob.
Kinumpirma rin ni Tupas na natanggap na niya ang impormasyon na may mga opisyal ng Bucor ang sangkot sa operasyon ng bawal na gamot sa Bilibid kung saan pati ang pagkakaroon ng pagawaan ng shabu sa loob ng presuhan.
Subalit hindi rin umano dapat na isisi lamang sa umano’y pangungunsinti ng ilang Bucor officials ang talamak na operasyon ng ipinagbabawal na gamot sa loob ng Bilibid dahil na rin sa napakababa ng sahod ng mga empleado ng Bilibid at mga jailguards.
Nang tanungin ang posibilidad na hanggang kay Bucor Director Bucayu umaabot ang panunuhol, sinabi ni Tupas na wala siyang ebidensiya sa nasabing alegasyon.
Samantala, pabor naman si Tupas na ilipat ang Bilibid sa Laur Nueva, Ecija subalit inirekomenda niya rin na magkaroon na ng augmentation ang Philippine National Police sa naturang bilangguan.