MANILA, Philippines – Nagpatunay ang United Nationalist Alliance (UNA) stalwart na si Parañaque Rep. Gus Tambunting ukol sa malinis at parehas na resulta ng dalawang nakaraang automated elections noong 2010 at 2013.
Ayon kay Tambunting, makasaysayan ang malaking pagbabago na idinulot ng paggamit ng precinct count optical scan (PCOS) machines sa dalawang naturang halalan dahil makatotohanan at mabilis pa ang naging bilangan ng mga boto,
Si Tambunting ay nanalo bilang 2nd district representative ng Parañaque at lumamang ng napakalaki sa kalabang celebrity.
“Dahil sa automated system, naging madali at mabilis ang bilangan kaya lumabas ang totoong pulso ng taumbayan. Hindi nadaya at walang masyadong human error factor,” paliwanag ni Tambunting.
“Kung hindi naipatupad ang automated system, siguro’y kakaunti ang nanalong Oposisyon dahil tiyak madadaya sa laki ba naman ng resources ng administrasyon,” sabi pa ng mambabatas.
Ang panukalang pagbabalik sa manual counting sa 2016 national elections ay isinusulong ng ilang watchdog group, kabilang na ang Automated Election System-Watch (AESW) at ng Clean and Credible Elections (C3C).
Sinasabi ng AESW at C3C na “talamak” ang electronic fraud noong 2010 at 2013 polls.
“Isang masamang panagip ang mag-isip ang sinuman na babalik tayo sa magulo at madayang sistema ng manwal counting. Nandiyan ang nakawan ng balota,” sabi ni Tambunting.
Samantala, binatikos ni Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe ang mga paulit-ulit na alegasyon ng “electronic manipulation” noong 2010 at 2013.
“Dapat patunayan nila ang mga recycled na alegasyon na iyan. Wala naming basehan at wala namang naitutulong yan,” sabi pa ni Batocabe.
Ayon sa University of the Philippines law graduate, “Ang kalakaran sa buong mundo ngayon ay tungo sa automation kaya huwag na tayong bumalik pa sa panahon ng primitive times kung saan inaabot ang bilangan ng ilang linggo o buwan,” dagdag ni Batocabe.