MANILA, Philippines - Tatlo katao ang nasawi habang isa ang nawawala sa paghagupit ng bagyong Queenie na nagdulot ng malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Cebu at Negros Oriental.
Naitala naman sa 100,000 pasahero ang na-istranded sa iba’t ibang mga pantalan sa rehiyon habang marami ring mga pangunahing highway at kalsada ang nagsara sa trapiko sanhi ng mga pagbaha habang may mga nagtumbahan ring mga punongkahoy.
Kinilala ni Joy Hernandez ng Office of Civil Defense Region 7, ang nasawing biktimang si Aloha Baldado ng Malabayuc, Cebu na nalunod matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig baha.
Sa Bohol, nalunod din ang mangingisdang si Rosito Gavas, 66, matapos lumubog ang bangka nito nang hampasin ng malalakas na alon.
Nalunod din ang chief engineer ng M/V Edward Lawrence matapos mahulog sa dagat nang itulak pataas ng alon ang barko habang nakadaong sa Jagna Port, Bohol.
Nawawala naman ang mangingisdang si Feliciano Looc na hindi nakauwi noong Miyerkules matapos pumalaot para mamalakaya.
Naiulat din ang mga pagbaha sa mga munisipalidad ng Malabuyuc, Oslob, Samboan, Sibunga pawang sa Cebu kung saan maraming pamilya ang inilikas.