10-taon kulong sa dating Leyte mayor, 3 pang opisyal
MANILA, Philippines - Napatunayang nagkasala ang isang dating alkalde sa probinsya ng Leyte at tatlo pang lokal na opisyal dahil sa iregular na pagbili ng heavy equipment noong taong 2005.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Efren dela Cruz, bukod sa 10-taon na pagkakulong ay pinagbawalan na rin ng Sandiganbayan na mabigyan ng kahit anong posisyon sa gobyerno si dating Tunga Mayor Amando Aumento Sr., municipal accountant Lea Requiez, municipal treasurer Julita Falguera at Alejo Costelo, tagapangulo ng Bids and Awards Committee ng lokal na pamahalaan.
Napatunayang nagkasala ang naturang mga opisyal sa kasong graft.
Pinawalang sala naman ng Sandiganbayan sina Aumento, Requiez at Falguera sa kasong malversation through falsification.
Inabswelto naman ng korte sa graft case si Joshua Rey Garrido, ang suplayer ng heavy equipment, dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Ayon sa rekord ng korte, bumili ang lokal na pamahalaan ng Tunga noong Agosto 17, 2005 ng farm tractor sa halagang P1.1 milyon sa pamamagitan ng direct contracting.
Sa pagsisiyasat ng Commisyon on Audit, nadiskubreng walang ginawang competitive bidding ang mga lokal na opisyal ng Tunga. Nalaman din na mismong ang dating alkalde pa ang tumayong requisitioning officer at canvasser sa naturang proyekto.
"The Court is of the view right from the start, the accused did not contemplate public bidding as mode of acquisition...the accused decided to buy the (farm tractor) on the same day the BAC called and held a pre-bid conference," anang korte.
- Latest