MANILA, Philippines - Ibinulgar ni House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte kahapon na pansarili at walang-idudulot na mabuti ang mga pahayag ng mga kritiko ng automated election system.
Ayon kay Belmonte, ang mga nagpapakilalang advocate ng clean and honest elections ay gumagawa lamang ng ingay para isulong ang kanilang pansariling interes.
Wala umanong katuturan ang pagpupula sa paggamit ng precinct count optical scan (PCOS) machines na binili ng Commission on Election (Comelec) sa Smartmatic at wala namang inihaharap na mas mabuting alternatibo rito ang mga grupo.
“Malayo pa ang eleksiyon, may nuisance na. Wala, pulos bungangaan lang iyan. Iyun lamang pansariling kapakinabangan ang habol nila. Gusto lang nilang makapanlamang kung sino man ang kliyente nila,” ani Belmonte.
Mariin ding pinasinungalingan ang mga pahayag ng mga grupo na nagkaroon diumano ng malawakang dayaan sa pamamagitan ng “electronic manipulation” sa PCOS machines.
Isinusulong ang pagbabalik sa manual voting at manual counting ng mga grupong “Automated Election System Watch (AES-Watch)” at “Clean and Credible Election (CCE).”
Ayon pa kay Belmonte, nakapagdududa ang motibo at adyenda ng mga naturang grupo at iba pang naggigiit na ibalik sa manwal ang botohan at bilangan ng boto.
Kinatigan ni Capiz Rep. Frenedil Castro, chairman of the House committee on suffrage and electoral reforms ang pahayag ni Belmonte.
“Naging maayos naman ang pagpapatupad sa automated election at walang gaanong problema ang Comelec. Wala ring ebidensiya na nagkaroon ng dayaan sa dalawang matagumpay ng eleksiyon,” sabi ni Castro.