MANILA, Philippines - Inireklamo ni Vice President Jejomar Binay na nilabag umano nina Senators Antonio Trillanes at Alan Peter Cayetano ang kanyang karapatan kaya hindi siya dumadalo sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na nagsisiyasat sa mga isyung ipinupukol sa kanya.
Ginawa ni Binay ang reklamo sa kanyang sworn affidavit na may petsang Nobyembre 6, 2014 at isinumite nita sa Senado para ipaliwanag ang hindi niya pagsulpot sa mga hearing ng mataas na kapulungan.
Ayon kay Binay, umaaktong huwes, tagausig at testigo sina Trillanes at Cayetano sa mga pagdinig ng SBRC.
“Ang mga inuugali at deklarasyon nina Senator Antonio Trillanes IV at Senador Alan Peter Cayetano ay nagpapakita na wala silang hangaring alamin ang katotohanan. Tulad ng idineklara ni Trillanes, ang layunin niya ay maipakulong ako,” sabi ni Binay sa kanyang affidavit.
Nilinaw ng Bise Presidente na ang tungkulin ng Senado ay gumawa ng batas at hindi upang imbestigahan ang sinuman, idiiin sa kaso at para magdesisyon kung may sala o wala.
Sinabi ni Binay na nilabag nina Trillanes at Cayetano ang kanyang Constitutional rights nang hayagang husgahan na siya sa mga bintang ni dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado nang walang sapat na mga ebidensya at hayaan ang mga testigo laban sa kanya na magsalita habang ang mga testigo na pabor sa kanya at mga kinatawan ay ini-intimidate, o tinatakot at binabastos.
Inihalimbawa pa ni Binay ang kaso ng Neri vs Senate Blue Ribbon Committee dahil sa hindi pagsipot sa imbitasyon ng Senado.
Ipinunto nito na ang Lehislatura umano ay hindi isang law enforcement at trial agency at sa ilalim ng batas, ang Office of the Ombudsman ang may karapatan na magsagawa ng imbestigasyon sa isang opisyal ng pamahalaang inaakusahan na umabuso sa tungkulin o nagkamal ng kuwestyonableng yaman.
Idiniin pa ni Binay sa affidavit na walang overpricing sa pagpapatayo ng Makati City Hall Bldg 2 dahil lahat ng plano ay dumaan sa tamang proseso kung saan dumaan sa bidding ang limang phases nito na hindi paglabag sa Procurement Act o Republic Act 9184.