MANILA, Philippines – Pormal na hiniling kahapon ng isang election watchdog sa Commission on Elections na i-blacklist ang Smartmatic sa mga proyekto na may kinalaman sa halalan dahil sa ‘misrepresentation’ matapos nitong sabihin na pag-aari nito ang automated election technology at lumabag sa maraming election law ng bansa.
Ayon sa Citizens for Clean and Credible Elections (C3E), nabigo din ang Smartmatic na makamit ang ilang probisyon ng 2010 Automated Election System Project Contract kabilang na ang pagkabigo nito na mai-deliver ang mga kinakailangang serbisyo.
Sinabi ni C3E spokesman at National Labor Union president Dave Diwa na bukod sa mga naturang pagkukulang, guilty rin ang Smartmatic sa ‘misinformation’ nang sabihin nito na ang Taiwan-based Jarltech International Corporation ay kanilang subsidiary base sa qualification statements.
Isinumite ng Smartmatic ang Jarltech’s ISO-9001 certification bilang bahagi ng requirements para sa eligibility to bid at sinabi nito na sila ay majority owner ng Jarltech ngunit sina-subcontracting lang pala nila ang Jarltech para gumawa ng mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines.
Nabuking din na hindi pala pag-aari ng Smartmatic ang automated election technology na ibinigay nito sa Comelec nang idinimanda nito ang Dominion Voting Systems of Canada matapos sumablay sa pagsuplay ng “fully functional technology… (and) timely technical support…” Pinapanagot din ng Smartmatic ang Dominion sa pagkabigo nito na ideposit in escrow ang kailangang source code para sa software at manufacturing design.
Sinabi ni Diwa na ang lawsuit na isinampa ng Smartmatic nuong September 2012 sa Delaware chancery court ay malinaw na ebidensiya at pag-amin ng Smartmatic na hindi nito pag-aari ang automated voting technology na ibinigay nito sa Comelec na isang klarong ‘misrepresentation’ at paglabag sa terms of contract at election laws.
“For the past two elections, we’ve been made fools by Smartmatic. We ask the Comelec to reconsider it’s stance on the blacklisting of Smartmatic. Smartmatic is merely a reseller. It subcontracts several aspects of its Automated Election System to other more capable suppliers and technology providers,” dagdag pa ni Diwa.