MANILA, Philippines - Binalewala ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel ang anya’y haka-haka na maaaring nadaya siya sa halalan noong 2013 kung kailan naganap diumano ang “dagdag-bawas.”
Ayon kay Pimentel, walang ebidensiya na makapagpapatunay na nagkaroon ng “electronic fraud” o “electronic manipulation” sa pamamagitan ng precinct count optical scan (PCOS) machines tulad ng sinasabi ni Melchor Magdamo.
Si Magdamo ay isang dating whistle-blower at assistant ni dating Commission on Elections chairman Jose Melo noong 2010. Ipinalalagay ni Magdamo na nadaya si Pimentel pati na si evangelist Bro. Eddie Villanueva bagaman nanalo pa rin ang senador.
Nakapagdududa ang mga nakitang “digital lines” na nakita ng eksperto mula sa Department of Science and Technology (DOST) sa isinagawang random manual audit sa ilang PCOS units.
Pero sinabi ni Pimentel na hindi siya kumbinsido na ang natural digital lines sa digital image ng kulang sa 30 ballots ay masasabing “dagdag-bawas” o vote padding o vote shaving.
“Ang kandidatong sinusundan ko (Sen. Bam Aquino) ay may lamang na 500,000. Ibig sabihin na ang 250 digital lines, halimbawa, ay 250,000 ang nadagdag sa kanya at 250,000 ang nabawas sa akin? Mahirap patunayan yan,” sabi ni Pimentel.
“Hindi yun nakapagpabago sa mga ranking ng mga kandidato sa naging resulta ng eleksiyon. Tamang-hinala lang yan,” sabi ni Pimentel.