MANILA, Philippines – Nilinaw kahapon ng Malacañang na hindi sakop ng Ehekutibo ang pag-prosecute sa mga itinuturong utak ng karumal-dumal na Maguindanao massacre.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi ang Executive branch ang dumidinig sa kaso at lalong hindi nila trabaho ang gumawa ng desisyon.
Nilinaw rin nito na hindi lamang ang executive branch ang may papel sa pagbibigay ng hustisya sa bansa pero tiniyak nito may ginagawa ang gobyerno upang umusad ang pagdinig na umabot na sa limang taon simula ng gawin ang krimen.
Tumanggi rin si Valte na magbigay ng komento sa balak ni Atty. Harry Roque, abogado ng pamilya ng ilan sa mga biktima, na magsasampa sila ng reklamo sa International Trial Court ng “crimes against humanity” dahil wala umanong ginagawa ang administrasyon para mapanagot ang mga salarin sa Maguindanao massacre.
Ayon kay Valte, hindi na sila magkokomento kay Roque dahil may mas mga mahahalagang bagay pa na dapat gawin.
Nobyembre 23, 2009 naganap ang tinaguriang Ampatuan Massacre kung saan 58, kabilang ang 32 mamamahayag ang pinatay at tinangkang ibaon sa hukay.
Ang katunggaling pamilya Ampatuan ang sinasabing nasa likod ng pananambang sa mga biktimang maghahatid sana ng certificate of candidacy (COC) ni Esmael “Toto” Mangudadatu sa pagka-gobernador ng Maguindanao.