51,000 lugar may libreng Wi-Fi

MANILA, Philippines - Aprubado na sa Senado ang pondo para sa paglalagay ng libreng Wi-Fi sa 51,000 lugar sa bansa sa 2015.

Kasama sa inaprubahang budget ng Department of Science and Technology para sa 2015 ang P3 bilyon na ilalaan para sa Public Wi-Fi Program ng DOST.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, ang Finance Committee ang nagrekomenda na itaas ang pondo mula sa P338 milyon ay ginawang P3 bilyon upang mas maraming lugar ang masakop ng libreng Wi-Fi na inaasahang mapapakinabangan ng mga ordinaryong mamamayan sa pagpapa-unlad ng kanilang kaalaman tulad ng mga magsasaka.

Kapag naipatupad na ang programa, magkakaroon ng Wi-Fi service ang nasa 7,917 public high schools, 38,694 public elementary schools, 113 state colleges, 1,118 public libraries, public spaces sa 1,490 bayan.

Sa blueprint na ginawa ng DOST, maglalagay rin ng Wi-Fi connectivity sa 895 provincial, regional hospitals at government-run medical centers sa Metro Manila.

May libreng Wi-Fi rin sa mga Public Employment Service Offices upang matulungan ang mga mamamayan sa paghahanap ng trabaho.

Lalagyan din ng free Wi-Fi ang nasa 85 airports, 41 seaports at 69 LRT, MRT at PNR stations.

Show comments