MANILA, Philippines - Binatikos kahapon ng isang senior member ng Commission on Election ang isang dating Comelec official sa pagkakalat ng haka-haka na minanipula ang automated elections noong 2013.
Sinabi ni Commissioner Lucenito Tagle na nananaginip ng gising si Melchor Magdamo na nagsabing ang precinct count optical scan (PCOS) machines ay naka-pre-programmed kung saan naganap ang “dagdag-bawas.”
“Kasinungalingan at malaking kalokohan iyang sinasabi ni Magdamo. Paanong magkakaroon ng dagdag-bawas kung anya’y naka-program na nga?” sabi ni Tagle.
Ayon pa kay Magdamo, siyang executive assistant ng dating Comelec chairman na si Jose Melo, “malamang nadugasan ng boto sina Koko Pimentel at Bro. Eddie Villanueva.”
Nakita diumano ang hinihinalang “electronic fraud” ng isang grupo ng information technology experts mula sa Department of Science and Technology (DOST) sa isinagawang random audit, ayon kay Magdamo.
Mariing pinabulaanan ni Tagle ang kuwento ni Magdamo dahil nanalong pang-walo si Sen. Koko Pimentel samantala pang-19 si Villanueva.
Hindi kailanman nagsumite ng report ang sinuman mula sa DOST at hindi rin nag-protesta si Pimentel o Villanueva, paglilinaw ni Tagle.
Ang Liberal Party guest candidate na si Grace Poe na nag-top sa senatorial race at nakatanggap ng 20,337,327 votes ay hindi naman nakatanggap ng bintang na nandaya.
Si Pimentel mismo ang nagsabing walang napatunayan sa mga alegasyon ng pandaraya gamit ang PCOS.
Ang Smartmatic Philippines ay isa sa mga sasali sa Comelec bidding sa P2 billion contract sa pag-supply ng 23,000 additional voting machines para magamit sa 2016 national elections.
Hinamon ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. ang mga kritiko ng PCOS machines na kanilang “i-showcase ang kanilang produkto at magbigay ng best offer.”