MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si United Nationalist Alliance (UNA) interim president Toby Tiangco sa mga organizer ng Miss Earth international pageant na huwag ganapin ang isa sa mga aktibidad nito sa isang island-resort na pag-aari umano ni dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado.
Sinabi ni Tiangco sa kanyang sulat kina Ramon Monzon at Lorraine Schuck ng Carousel Production na meron siyang reserbasyon sa pagdaraos ng event ng Ms. Earth International sa 100 ektaryang Coron Underwater Garden Resort sa Palawan sa Nobyembre 23-25.
Nagbabala si Tiangco sa mga organisador sa posibleng implikasyon ng pagdaraos ng aktibidad sa naturang lugar.
“Makakabuti kung pag-iisipan ng Carousel Productions ang pagdaraos ng Miss Earth 2014 event sa naturang resort para mapangalagaan ang reputasyon ng timpalak pagandahan at ng Miss Earth franchise,” sabi ni Tiangco na isa ring kinatawan ng Navotas sa Kongreso.
Ipinaliwanag ni Tiangco na ang naturang resort ay iligal na nakuha ni Mercado sa pamamagitan ng iligal na paraan at bahagi ng tagong kayamanan ng dating vice mayor.
“Inamin ni Mercado na nakakuha siya ng mga kickback noong panahon ng kanyang panunungkulan bilang vice mayor at nagmula sa iligal ang perang ginamit niya sa pagbili sa isla at pagtatayo ng resort.
Nauna rito, hiniling ni Tiangco sa Senado at sa Bureau of Internal Revenue na magsagawa ng lifestyle check kay Mercado at sa pamilya nito kaugnay ng kanilang mga ari-arian sa bansa at sa ibayong-dagat.
Ang mga ari-arian ay nasa pangalan umano ng asawa at mga anak ni Mercado, children-in-law, at mga kapatid para itago ito sa batas.