MANILA, Philippines – Tiniyak ni Pangulong Aquino na wala ng 2nd term para sa kanya matapos simulan na ng Liberal Party (LP) ang paghahanap ng magiging kandidato nito sa 2016.
Sinabi ng Pangulo sa media delegation na kasama nito sa Singapore, na binubuo niya ang consensus sa loob ng kanilang partido at nakikipag-ugnayan na rin siya sa ibang sektor para sa susuportahang kandidato sa 2016 presidential race.
Ayon sa Pangulo, nais niyang matiyak na kahit tapos na ang kanyang termino sa 2016, mayroong magpapatuloy ng reporma na kanyang sinimulan sa bansa.
Aniya, lahat ng mga kaalyado ay kanyang kinakausap hindi lamang ang LP kundi pati ang Nacionalista Party (NP) at si Vice Pres. Jejomar Binay ng United Nationalist Alliance (UNA).
Hindi naman direktang masabi ng Pangulo kung uubra na maging guest candidate ng LP si Binay dahil kailangang kunin muna ang consensus ng bawat miyembro.