MANILA, Philippines – Isinalang na kahapon sa plenaryo ng Senado ang panukalang P2.6 trilyon national budget para sa 2015.
Sa sponsorship speech ni Sen. Chiz Escudero, chairman ng Committee on Finance, sinabi nito na magpapatupad ang Senado ng “substantial improvements” sa pambansang budget kumpara sa ipinasa ng House of Representatives at sa inaprubahang panukala ng Malacañang.
Tiniyak nito na babawasan ang mga “overhead increase funding” at ilalagay ang pera sa mga nakaligtaang programa ng gobyerno.
Tinatayang aabot sa P91.82 bilyon ang maapektuhang pondo sa gagawing pagbabago ng Senado para matiyak umanong magkakaroon ng sapat na pondo para sa edukasyon, health, nutrition, at rehabilitation and reconstruction. Tiniyak din ni Escudero na walang pork sa ipapasang budget ng Senado.
Ang Department of Education pa rin ang may pinakamataaas na alokasyon na mayroong P365.1 bilyon; DPWH, P300.5 bilyon; DND, P144 bilyon; DILG, P141.4; DSWD , P109 bilyon; DOH, P102.2 bilyon; DA (pati na ang suporta sa NFA, PCA at NIA), P88.8 bilyon; DOTC, P59 bilyon; DENR, P21.3 bilyon at DOST, P19.4 bilyon.