MANILA, Philippines – Halos P1 bilyon ang pagkakaiba ng halaga ng ginastos Makati Science High School kumpara sa tantiya ng pamahalaang lokal ng lungsod ng Makati, ayon kay Commission on Audit chairperson Grace Pulido Tan ngayong Martes.
Sinabi ni Tan na unang tantiyang gagastusin ng lungsod ay P348.6 milyon lamang para sa 10-palapag na gusali na may apat na palapag na dormitoryo ngunit inabot na ito ng P1.3 bilyon.
Nagmula aniya ang mga halaga mula sa 'cost estimate' na inaprubahan ng alkalde.
"Paano naging P1.3 (billion) itong proyektong ito na samantalang noong umpisa, what they had in mind and what they wanted to build, I mean the agency itself which is Makati, was only going to be worth P348.6 million?" pagtataka ni Tan.
Ang naturang cost estimate ay umabot lamang sa unang tatlong bahagi ng proyekto na may anim na bahagi.
"I would like to say that ito po yung mga tinatawag naming red flags, just like in the case of the parking building," wika ng COA chair.
"These are already the things that catch our attention and compel us to really look into this matter," dagdag niya.
Nilinaw naman ni Tan na hindi pa maaaring husgahan na overpriced ang gusali.
"All I'm saying is that so far, with the records that we have on file, ay may mga matitinding rason kung bakit talagang kailangan naming balikan ito," pagpatuloy niya.
Samantala, naglalaro lamang sa P536 milyon hanggang P644 milyon ang dapat na halaga ng gusali, ayon sa Arkitektong si Danilo Alano ng Philippine Institute of Architects, habang nasa P489 milyon lamang ang tantiya ni property appraiser Federico Cuervo ng Cuervo Valuers and Advisory Inc.
Pinuna rin ni Cuervo ang mga mali sa pagkakagawa ng gusali katulad ng kakulangan sa bentilasyon at maling sukat ng bawat apakan sa hagdanan na hindi angkop para sa mga estudyate.
Sinisilip naman ni Sen. Antonio Trillanes IV kung bakit hindi pa tapos ang ika-siyam at ika-10 palapag gayung naglabag na ang lokal na pamahalaan ng "certificate of completion."