MANILA, Philippines – Pinasinungalingan ni Commission on Audit (COA) Chair Grace Pulido Tan ngayong Martes ang pahayag ni Bise Presidente Jejomar Binay na “cleared” na ang mga proyekto sa lungsod ng Makati.
Sinabi ni Tan ngayong Martes sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee sa Makati City Hall II parking building na hindi sila nagbibigay ng “clearance” sa mga proyekto o transaksyong sinisilip nila.
"If we are talking about a piece of paper that says you are cleared, you're okay, no, we don't issue anything like that," wika ni Tan.
Iginiit ni Binay sa kanyang ipinasang affidavit sa Senado na walang ilegal sa pagpapatayo ng Makati City Hall II.
Dagdag niya na walang silang natanggap na komento mula sa COA sa pagpapatayo ng iba't ibang proyekto sa Makati.
Nilinaw naman ni Tan na hindi dahil wala silang komento ay “cleared” na sa anomlaya ang mga naturang proyekto.
Samantala, sinabi naman ni Senador Antonio Trillanes na isa itong patunay na nilalamangan ni Binay ang publiko.
"Dito makikita ng mga kababayan natin kung paano nila nililinlang ang mga tao.”