Bus vs van: 6 sugatan, punerarya nadamay

MANILA, Philippines – Sugatan ang anim katao makaraang magbanggaan ang isang pribadong van at isang pampasaherong bus na dumiretsong sumalpok sa gusali ng isang pune­rarya, kahapon ng umaga sa MacArthur Highway, Caloocan City.

Patuloy na nakaratay sa Caloocan City Medical Center makaraang mabasag ang nguso ng biktimang si Kennyvie Dancil, habang agad namang napalabas ng pagamutan dahil sa minor na mga pinsala ang iba pang pasahero na sina Eduardo Ortega, Alvin Borres, Riza Lipasano, Laurenciano Tiusi at tsuper ng bus na si Vicente Roaman.

Hawak naman ng Caloocan City Traffic Management Unit ang tsuper ng Starex van na si Aljohn Constantino, ng Block 5, Lot 30, Thursday St., Brgy. San Nicolas, Bacoor, Cavite.

Sa inisyal na ulat ni PO3 Nelson Arcito, binabagtas ng AC Trans bus (TXW-657) na may biyaheng Malanday-Ayala-Baclaran ang kahabaan ng MacArthur Highway patungo ng Monumento nang makasalubong ang Starex van na umano’y nag-counter flow.

Sinabi ng driver ng bus na si Roaman na tinangka pa niyang iwasan ang van ngunit nahagip pa rin ito sa gilid ng bumper hanggang sa mawalan ng kontrol at diretsong sumalpok naman sa konkretong plant box at poste na humaharang sa Floresco Funeral Homes.

Ayon naman sa ama ni Constantino, sinabi ng kanyang anak na may nauna umanong bumangga sa likuran ng minamaneho nitong van kaya nawalan ng kontrol, sumampa sa island kaya nakatawid ito sa kabilang lane at nakasalubong ang pampasaherong bus. Patuloy ang imbestigasyon sa insidente para alamin kung sino ang may dapat panagutan sa aksidente.

Show comments