MANILA, Philippines – Itinanggi ng Smartmatic Philippines ang mga patutsada ni Archbishop emeritus Oscar Cruz na napakinggan nito sa mga haka-haka ng mga karibal ng naturang kumpanya sa napipintong bidding sa Commission on Election (Comelec).
Sinabi ni Smartmatic Philippines president Cesar Flores pawang paninira lamang ang mga ipinakakalat ng mga losing bidders sa mga nakaraang kontrata sa Comelec at desperadong nagpupumilit na iitsapuwera ang Smartmatic sa bidding ng P2 bilyong kontrata sa pagsu-supply ng mga karagdagang voting machines.
Ang Smartmatic ang may-gawa ng mahigit 82,000 precinct count optical scan (PCOS) machines na ginamit sa pagpapatupad ng automated election system noong 2010 election.
“Hindi dapat makinig ang kagalang-galang na Obispo (Cruz) sa mga bulong ng demonyo na gusto lamang makalamang sa Comelec bidding,” sabi ni Flores.
Kamakalawa, iginiit ni Cruz na hindi dapat makasali ang Smartmatic sa bidding ng Comelec sa Disyembre dahil magbubunsod lamang ito ng mga pandaraya sa pamamagitan ng PCOS.
Subalit, sabi ni Flores, dapat ay may hawak na solidong ebidensya si Cruz bago niya birahin at banatan ang Comelec at Smartmatic na kwalipikadong sumali sa legal na bidding.
Kung mapatunayan o may maipakitang sapat na basehan ang diumano’y “payoff” para sa “rigged bidding” na ipinalutang sa media, kusang-aatras ang Smartmatic sa Comelec bidding sa Disyembre, dagdag pa ni Flores.
Nauna rito, sinabi ni Comelec chairman Sixto Brillantes na buo ang kanyang pagtitiwala sa produkto at serbisyo ng Smartmatic dahil ito ay nasubukan na sa matagumpay na 2010 at 2013 elections.