MANILA, Philippines – Binalaan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga training centers na hindi sila awtorisadong mag-recruit ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Kaugnay nito, pinayuhan ni POEA Administrator Hans Leo J. Cacdac ang mga aplikante na nais magtrabaho sa ibayong dagat na huwag basta magtiwala sa mga training centers na nangangako sa kanilang mga enrollees ng trabaho sa sandaling matapos nila ang kanilang kurso.
Paliwanag ni Cacdac, ang mga training centers ay walang lisensya o awtoridad para mag-recruit ng mga manggagawa at gumagamit lamang aniya ang mga ito ng publicized job opportunities sa ibang bansa upang mahikayat ang kanilang mga aplikante.
Nauna rito, ipinasara ng POEA ang RRR International Training Center, Inc. na matatagpuan sa DRT G27 Ground Floor, Plaza Cristina Building, Dolores, San Fernando City sa Pampanga matapos maberipikang nagre-recruit ng mga factory workers para sa Japan at Korea.
Nag-aalok umano ang naturang training center ng Korean language course ngunit ang pangalan nito ay wala naman sa updated registry ng TESDA para sa technical and vocational institutions at training programs.
Isang alyas Grace Manuel at Regulus Mallari ang itinuturing nagmamay-ari at nag-o-operate ng naturang training center.
Si Mallari ay una nang inaresto sa loob ng POEA ng mga awtoridad dahil sa kasong illegal recruitment at kasalukuyang nakadetine sa PNP Camp Crame.
Pinasasampahan na ni Cacdac ng kaso sina Manuel at Mallari at iba pang opisyal at empleyado ng training center.
Isasama rin ang pangalan ng mga ito sa POEA List of Persons with Derogatory Record.