MANILA, Philippines – Walang banta ng tsunami sa alin mang bahagi ng Pilipinas kasunod ito ng magnitude 7.3 na lindol na tumama sa Indonesia, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Una rito, mismong ang Phivolcs ang nagbalita ng tsunami warning na itinaas ng Pacific Tsunami Warning Center kung saan pinayuhan ang mga nakatira sa eastern seaboard ng bansa partikular sa Mindanao na lumayo mula sa baybaying dagat.
Pero sa panayam ng DZMM kay Phivolcs Director Renato Solidum, sinabi nitong walang banta ng tsunami sa Pilipinas bagama’t naramdaman ang pagyanig sa ilang bahagi ng bansa.
“’Yun pong lindol sa Indonesia ay hindi nakapagdulot ng anumang pagbabago sa antas ng tubig sa dalampasigan ng Pilipinas at wala kaming inaasahang anumang significant na tsunami,” sabi ni Solidum.
Alas-10:32 ng umaga (oras sa Pilipinas) nang tumama sa Halmahera, Indonesia ang magnitude 7.3 lindol na may lalim na 40 kilometro.
Sinabing posibleng tamaan ng tsunami ang Pilipinas, Japan, Taiwan at mga isla sa South Pacific.
Dahil dito kaya itinaas ng Phivolcs ang tsunami warning sa dalampasigan ng Mindanao sa Sultan Kudarat, Sarangani, General Santos City at Davao City.
Pinayuhan din ng Phivolcs ang mga residente ng Bicol Region at Isabela sa Luzon na maghanda dahil sa inaasahang malaking alon.
Ang tsunami ay nagaganap sa karagatan kapag may malakas na paglindol sa isang lugar malapit sa dalampasigan.
Gayunman, binawi na rin umano kahapon ang warning.