MANILA, Philippines – Brutal na pinaslang ng naka-drogang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang limang sundalo na tinadtad ng taga at ilan umano sa mga ito ay pinugutan pa ng mga ulo sa madugong bakbakan na umabot ng limang oras sa Talipao, Sulu nitong Biyernes.
Sa ulat ni Col. Allan Arrojado, commander ng Joint Task Group (JTG) Sulu, umaabot na sa 15 ang nasawi, lima sa tropa ng militar, 10 sa Sayyaf at 58 naman ang nasugatan. Ala-1:30 ng hapon ng makasagupa ng militar ang nasa 300 bandido sa Brgy. Bud Bunga, Talipao na tumagal hanggang alas-4:30 ng hapon.
Nang hingan naman ng kumpirmasyon si Major Edilberto Aramponi, Civil Military Operations (CMO) ng JTG Sulu, sinabi nito na may ganitong report pero hindi pa niya ito makukumpirma dahil hindi naman niya sinilip ang limang sundalong dinala ang mga bangkay sa Camp Bautista, Jolo, Sulu.
“Hindi ko kayang tingnan, it’s too terrible masyadong masakit para sa amin ang kanilang pagkamatay, they all died a hero,” ayon pa kay Aramponi na humingi ng dasal para sa mga napaslang nilang kasamahan.
Ang limang mga sundalong nasawi ay pawang miyembro ng elite Scout Ranger Company na isinabak sa lalawigan upang lipulin ang Abu Sayyaf na sangkot sa kidnapping for ransom kung saan siyam pa ang hostages na hawak ng mga bandido sa Sulu.
Ayon naman sa isang police officer na nakabase sa Camp Asturias na tumangging magpabanggit ng pangalan, hindi kaagad nakuha ang bangkay ng limang sundalo kaya binaboy matapos tadtarin ng taga ng mga bandido na gumagamit ng droga.
“They were mutilated yun ang report sa amin, it’s too barbaric,” ayon pa sa opisyal.
Sa Camp Aguinaldo, sinabi naman ni AFP-Public Affairs Office Chief Lt. Col. Harold Cabunoc na naka-droga ang mga bandido na nakasagupa ng tropang gobyerno matapos marekober sa encounter site ang mga marijuana na ginamit ng mga ito.
“That solved the puzzle about their bravery in combat. They are drug-crazed fighters,” ayon kay Cabunoc base sa sinabi ni Lt. Michael Asistores na kabilang sa nakipagbakbakan sa grupo ng mga bandido.
Nakasagupa ng militar ang nagsanib puwersang grupo nina Commander Radullah Sahiron, mga Sub Commanders na sina Hatid Sawadjaan, Hairullah Asbang at Julie Ekit.
Kabilang naman sa mga nasawi sa Abu Sayyaf sina Asbang at Betting Jakka, bayaw ni Sahiron at isang Hamer Absara.
Napaslang si Asbang matapos sumuporta sa ground troops ang MG520 attack helicopter ng Philippine Air Force (PAF).
Naglunsad ng law enforcement operations ang tropa ng militar laban sa mga bandido ilang araw matapos palayain ang mag-asawang hostage na Aleman na sina Stefan Viktor Okonek, 71 at Herike Diesen, 55 noong Oktubre 17.
Ipinaabot na ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., ang pakikiramay sa pamilya ng mga sundalo at iniutos rin ang pagpapadala ng mga pangangailangan ng tropa ng militar sa Sulu na inilipad na ng C130 plane galing Villamor Air Base sa Pasay City.