Kaso ni Laude ‘di pinag usapan nina PNoy at Obama

MANILA, Philippines - Inamin ni Pangulong Aquino na hindi niya kinausap si US Pres. Barack Obama ukol sa kaso ng US Marine na si Joseph Scott Pemberton na suspek sa pagkamatay ng transgender na si Jeffrey ‘Jennifer’ Laude.

Sinabi ng Pangulo na kahit mayroong pagkaka­taon na makapag-usap sila ni Obama sa 25th ASEAN Summit sa Nay Pyi Taw, Myanmar ay hindi na niya isinulong na pag-usapan nila ang tungkol sa kaso ni Laude.

“Unless there is something really earth-shattering and new, there is no need to talk about whatever matter. I won’t talk about what happened in Subic. That can be handled at the lower level,” wika ng Pangulo.

Aniya, ang kaso ni Laude ay hawak na ng korte kaya hindi na kaila­ngang pag-usapan pa nila ni Obama.

Unang nagkasama sina PNoy at Obama sa APEC Summit na ginanap nitong Nov. 10-11 sa Beijing, China at muli silang nagkita sa ASEAN Summit sa Nay Pyi Taw.

Balik-bansa kahapon ng madaling araw ang Pa­ngulo mula sa kanyang biyahe sa Myanmar at China.

Ipinagmalaki ng Pangulo na naging matagumpay ang kanyang trip kasabay ang paniniguro na naghahanda na ang Pilipinas sa pagiging host ng APEC Summit sa susunod na taon. (Rudy Andal)

 

Show comments