MANILA, Philippines - Ikinakasa na ng Philippine National Police (PNP) ang ipatutupad na seguridad kaugnay ng pagbisita sa bansa ni Pope Francis sa Enero 2015.
Sinabi ni PNP Chief Director General Alan Purisima na kailangan ang maagang paghahanda para matiyak na maipatutupad ang ‘whole of government approach’ sa isa sa pinakamalaking event ng taon sa bansa.
Bumuo ng Task Groups ang PNP na mangangalaga sa seguridad ng Santo Papa sa iba’t ibang venue at mga lugar sa bansa na nakatakda nitong bisitahin. Kabilang dito ang pag-asiste sa publiko para sa ‘crowd control, parking, seguridad sa venue, trapiko sa daraanang mga ruta at iba pa.
Susuporta rin ang PNP sa Presidential Security Group (PSG) na naatasan namang maging close-in security ng Papa. (Joy Cantos)