‘Hello Frankie’ ni PNoy kay Drilon idinepensa

MANILA, Philippines - May sariling bersyon daw ng ‘Hello Garci’ ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Pangulong Noynoy Aquino na “Hello Frankie” ng tawagan nito si Senate President Franklin Drilon.

Ayon sa Malacañang, walang masama sa ginawang pagtawag ng Pangulo kay Drilon at hindi ito matutulad sa ginawa ni Arroyo kay Comelec Commissioner Virgilio Garcillano.

Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hindi puwedeng ikumpara sa “Hello Garci” ang ginawang pagtawag ng Pangulong Aquino kay Drilon upang sabihin lamang ditto ang naging pakiusap ni Vice Pres. Jejomar Binay sa ginagawang imbestigasyon sa kanya tungkol sa Makati City Parking building 2.

Giit ni Lacierda walang pakiusap ang Pangulo upang ipatigil ang imbestigasyon kay Binay kundi nais lamang nitong matapos na ito at huwag utay-utay ang paghaharap ng ebidensiya.

Batid anya ng Pangulo na hindi niya puwedeng diktahan ang mga mambabatas at alam niya na 24 independent kingdoms ang mga ito dahil galing din siya sa Senado. (Rudy Andal)

 

Show comments